Thursday, February 25, 2021

BOOK REVIEW

SALAMIN AT IBA PANG PANGLAW

Almayrah A. Tiburon, 2018

Balangay Books

Cavite, Philippines


Ang librong ito ay nagpapakita ng iba’t ibang kultura ng mga Meranaw. Makìkita at mababasa natin dito ang ating pagpapahalaga mula sa maliit na bagay na ating kinagisnan. Sa loob nito ay hindi lamang iisang kultura ang iyong masasaksihan kundi marami pang iba. Kung ang ninanais mo ay magkaroon ng kaalaman sa tribong Meranaw hindi ka magsisising basahin ang librong ito. Ika nga ng awtor sa kaniyang paunang salita na “Layunin na lalong ipakilala ang tribong Meranaw sa Pilipinas na may sariling persepsyon at paningin sa iba’t ibang bagay na naaayon sa sariling paniniwala at kultura. Ibig kong ipakilala ang aming lahi na isa sa nagpapayaman sa kulturang Filipino”. Sa kabuuan ng librong ito gumamit ang awtor ng iba’t ibang lengguwahe o wika sa pagpapadala ng kanilang ninanais na ipahiwatig. Mayroong wikang Meranaw, Ingles at Arabic ngunit mas madalas ang wikang Tagalog- Filipino. Sa kaniyang paglalarawan may mga iba’t ibang senaryong maaari nating maikumpara sa tunay na buhay. Maaaring ito ay sarili mong karanasan. Maaari namang nasaksihan o nakita mo lamang sa inyong lipunan. Ang mga sumusunod ang aking opinyon sa mga nakaloob na iba’t ibang kwentong mayroon ang librong ito:

 

BANGKANG PAPEL, ang unang kwentong iyong mababsa. Sa kwentong “Bangkang Papel" ating mapapansin ang paggamit ng lengguwaheng Meranaw at Filipino ng awtor. Dito inilarawan ang pinakahihintay ng mga bata noon kapag tag- ulan kung saan sila ay gumagawa ng bangkang papel at ipinapaanod ito sa agos ng tubig sa kanal. Habang nagsisigawan at nagkakatuwaan. Bawat isa'y gustong manalo ang kani- kanilang bangkang papel kahit na alam nilang ito'y mababasa at maaaring masira dahil sa ito nga ay papel. Kung mapapansin natin ang mga ganitong gawain, ay siyang ating libangan noon. Nakakamiss ang dating ganitong gawain. Tuwing tag- ulan ay hindi maitatanggi ang galak na nararamdaman ng bawat bata. Walang makakapigil sa kanilang sobrang saya, mapagalitan man o mapalo kung paglalaro ang usapan, tila hindi ito nangyari. Kay sarap naman talagang balikan ang mga ganitong ala-ala habang nagpapa-anod ng bangkang papel sa kanal at pagliligo sa ulan kasama ang mga kaibigan. Mapagalitan ka pa muna man o mapalo basta ang mahalaga noon ay nakapaggawa ka ng bangkang papel at nakasali sa munting paligsahan bago maligo sa ulan. Bilang isang Pilipino mula noon hanggang ngayon naging kasanayan o kultura na natin itong klaseng gawain sa tuwing tag-ulan.

KASAL. Mula sa pamagat na kasal, ipinapakita rito ang kultura ng mga Meranaw pagdating sa usapang kasal. Na kahit anong bilis ng tibok ng iyong puso para sa iyong iniibig at kahit ito pa ay lubos mong minamahal, mga magulang mo pa rin ang kailangang masunod. Respeto para sa babae at respeto para sa magulang ay hindi mawawala sa kultura ng mga Meranaw. Ngunit mas matimbang pa ring ang respeto at pagmamahal para sa magulang. Gustuhin mo man o hindi ang iyong mapapangasawa kung ito naman ay sinang- ayunan ng iyong mga magulang wala kang magagawa. Dahil kahit gustuhin mong umatras at umayaw mananaig pa rin ang kagustuhan at pagmamahal mo sa iyong mga magulang. Sa lipunan maraming iba’t ibang ibang klaseng tao, maaari kang mabihag at umibig sa unang kita pa lamang ngunit ang kuris

(kapalaran) ay laging nakahanda at tapos. Kung kayo man ang para sa isa’t isa sa hinaharap hindi ninyo kailangang maging magkasintahan. Dahil kung para kayo sa isa’t isa ay kayo talaga anuman ang mangyari.

KOBOR. Gumawa ng mabuti at umiwas sa kasamaan habang hindi huli ang lahat. Sa seksyon na ito mababasa ang kultura ng mga Meranaw tungkol sa kobor o libingan. Lahat ng tao ay hahantong at hantong din dito walang sinuman ang makakalusot. Sa mga Meranaw ipinapakita rito ang pangyayari sa iyong kobor, mga tanong na dapat mong sagutin at mga ahas na handang handa para ikaw ay tuklawin, kainin kapag ikaw ika'y nagkamali. Gumawa ka man ng kasamaan habang nabubuhay at ika'y nagsinungaling sa harap ng anghel sa kanyang mga katanungan, hinding hindi ka makakaligtas sa kanyang parusa. Huwag tayong umasang kayang- kaya nating nlbanggitin ang salitang “Laillahaillalah" bago mahuli ang lahat. Dahil ang salitang “Laillahaillalah” ay para lamang sa karapat-dapat. Sa librong ito ipinapakita rito ang pagbanggit ng “Laillahaillalah” na ang ibig sabihin ay “walang ibang Diyos kundi ang Allah" sa huling hininga at isa rin itong paniniwala sa ating mga Meranaw upang hindi ka mahirapan sa kabilang buhay kapag nabanggit mo ito.

PANINIWALA. Sa kwentong may pamagat na “Paniniwala" ay nakatuon sa isang lalaking hindi naniniwalang may Diyos. Wala siyang gustong paniwalaan ngunit kung anu- ano ang pumapasok sa kaniyang isipan. Minsan ni hindi niya malaman kung ano ang nangyayarin, at kung sino ba iyong dalawang lalaking kaniyang nakikita. Sa tingin ko dahil sa kaniyang hindi paniniwalang may Diyos ay maaaring naging epekto nito ang paghahallucinate niya ng kung anu-ano.

ROOM 21. Kadalasan nangyayari ang karanasang magkaroon imahinasyong may nagpaparamdaman na multo. Minsan sa sobrang kapaguran ng isang tao dito nila ito nararanasan. Hindi natin matukoy kung totoo nga ba ang naramdaman ng bida sa Room 21. Dahil sa reyalidad hindi ito posibleng mangyari, depende nalang kung ika'y naniniwala sa mga multo o sa mga ligaw na kaluluwa.

SISA. Para sa akin ako ay namangha sa paraan ng paglalarawan ng awtor kay Sisa. Kung iyo itong babasahin napakalalim ng mensahe kahit ito ay maikli lamang. Si Sisa. Si Sisa na lubos ang pagmamahal sa dalawang anak. Si Sisa na nabaliw. Si Sisa na laging hinahanap sina Basilio at Crispin. Isang kaawa- awang inang nais makitang muli ang kanyang mga anak. Sa huling parte masasabi kong si Sisa ay nasa harap ng salamin at hindi makilala ang sariling nabaliw na sa paghahanap sa kanyang dalawang anak.

Sa mga kwentong Ang ating Kasama at Terminal mapapansin natin ang kahiligang mag- imbento ng mga malilikhaing sulatin ang awtor. Masasabi kong malawak ang kaniyang pag- unawa at kaalaman sa mga katatakutan. Kaniyang naisisiwalat at nakukwento ng mahusay ang mga bagay na nais niyang maramdaman at maipadalang mensahe sa mga mambabasa.

KATA- O, ang tawag sa kulam ng mga Meranaw. Kung ninanais mong magkaroon ng ideya tungkol sa paniniwala ng mga Meranaw pagdating sa usaping kulam. Hindi ka magsisising mabasa ito. Dito nakapaloob kung paano nga ba ang kata- O sa kwento ng mag- asawa. Maaaring maraming hindi naniniwala sa mga ganitong gawain ngunit sa librong ito dito momararamdaman ang sakit at hinagpis ng mag- asawang ninanais na makawala sa kata- O. Dito natin mapagtatantong nasa huli ang pagsisisi. Iwasan at huwag ng gawin ang ganitong gawain (kata- O). Kahit ano pang hinanakit mo sa isang tao wag mong hayaang dumating ka sa puntong gamitin ito. Huwag mong hayaang kainin ka at akitin ka ng mga taong nasa lipunang may ganitong uri ng gawain o kultura.

LAMBER, kwento ng isang lalaking nalulong sa droga na nagngangalang Sobair. Na sa sobrang pagkalulong ay kung anu-anong hallucination o imahinasyon ang kaniyang nakikita. Maging ang mga pulis ay tila isang ahas ang kanyang nakikita na nakahanda siyang tuklawin at patayin. Magiging aral ito sa mga taong naligaw ng landas. Mahusay ang akdang ito sa kanyabg paglalawarawan kung ano ang nangyayari, nararamdaman at nakikita ng mga taong nalulong sa droga. Dito may matutunan ang mga taong nalulong sa droga, na huwag nating hayaang lamunin tayo ng droga at magsisi sa huli. Maraming tao ang nabibigyan ng pagkakataong magbago ngunit marami rin ang mga taong nais nang magbago ngunit huli na ang lahat. Masakit at nakakalungkot isipin. Gusto kong maiyak sa akdang ito. Bakit ba maraming nalulong sa mga ganitong klaseng bisyo? Huwag sanang marami pang mabiktima ang bisyong ito at iwasan po natin ito.

DORMITORYO. Nakakalungkot. Miss awtor bakit po ang sakit? Naiiyak na naman ako. Ano nalang mararamdaman ng pamilya ng babae? Sa kwentong ito mababasa ang mga madalas na mangyari sa lipunan. Kung saan laganap na ang krimen. Dito naging kwento ang babaeng narape at nagpakita sa isang estudyante nakatira din sa dormitoryo. Mula noon hanggang ngayon madalas na ang pgatira ng mga estudyante sa dormitoryo lalo na kung ikaw ay nakatira sa malayong lugar. Lalo na sa MSU- Main, karamihan dito ay mga dormitoryo. Sana’y mapuksa na ang mga taong walang puso kung gumawa ng krimen.

 Kung iisa- isahin nating basahin ang kwentong nakapaloob sa librong ito marami tayonv matutunan tungkol sa kultura ng nga Meranaw. Mula sa kasiyahan, kalungkutan, kasakiman, at katatakutang mga paniniwala ay nandito lahat. Sa huling kwento na may pamagat na Salamin, masasabi kong ito ang naging buod ng iba’t ibang kultura na mayroon tayong mga Meranaw. Nandito ang pag- aasawa kung saan madalas ang arrange marriage at tanging magulang lamang ang masusunod, ang pagkakaroon ng bisyo katulad ng droga na siyang laganap ngayon sa ating bansa, at ang pagkasira ng buhay ng isang tao sa isang pangarap na hindi nakamit. Pag- ibig, ang siyang madalas kalaban upang hindi mahulog sa kasamaan. Tayo’y gumising sa katotohanan. Sa pamamagitan ng kwentong ito kung inilarawan din ang mga taong nalulong sa droga. Mga hindi kaaya- ayang imahinasyon at hallucination na nararanasan. Sa pangalawang bahagi, nandito rin ang mga posibleng maranasan, maramdaman at makita sa Naraka o Impiyerno. Na kahit ikaw na palasambayang o rehiliyoso ay hindi malabong mahulog dito kung ikaw ay hindi tunay na nanampalataya ng buong puso. Ang pagsisimba ay para sa ikasuwa- suwat o Allah, walang iba kundi para saKaniya lamang at walang iba. Mababasa rito ang iba’t ibang kultura- paniniwala, pananampalataya sa lipunan ng mga Meranaw.

 Para sa akin lubos ang aking galak at tuwa nang mabasa ko ang librong ito. Hindi lang puro mga haka- hakang pangyayari kundi pawang may katotohanan at madalas mangyari sa ating buhay. Sarili mang haka- haka at puro guni- guni ng awtor, kapag nabasa mo ito sigurado akong makakarelate ka. Mula sa pagiging bata, dalaga at hanggang sa pagtanda karamihan sa mga pangyayari dito ang mga bagay ay iyong naranasan o nasaksihan sa mga taong nakapaligid sa iyo. Sa pamamagitan ng librong ito hindi ka mag- aalinlangang basahin ito nang paulit- ulit. Mayroon man tayong iba’t ibang relihiyon, kultura at paniniwala sa isang lipunan, tayo pa rin ay hindi magkakalayo. Kung ninanais mong malaman at magkaroon ng ideya tungkol sa ating kultura bilang isang Meranaw, binabati kita hindi ka nagkamaling piliin ang librong ito. Meranaw ka man o hindi highly recommended ang librong ito para sayo. Sapagkat layunin din ng awtor na si Miss Almayrah A. Tiburon ang maipakilala pa lalo ang paniniwala at kultura ng mga Meranaw ng ating bansang Pilipinas na may sariling persepsyon at pananaw sa iba’t ibang bagay. Huwag magdalawang isip bilhin at basahin ito dahil mahusay at makabuluhan ang bawat kwentong nakapaloob sa aklat na ito.

 

-CANDIA, JOHARA B.

 

 

 


No comments:

Post a Comment

BOOK REVIEW

SALAMIN AT IBA PANG PANGLAW Almayrah A. Tiburon, 2018 Balangay Books Cavite, Philippines Ang librong ito ay nagpapakita ng iba’t i...