SALAMIN AT IBA PANG PANGLAW
Almayrah A.
Tiburon, 2018
Balangay Books
Cavite, Philippines
Ang librong ito ay nagpapakita ng iba’t ibang
kultura ng mga Meranaw. Makìkita at mababasa natin dito ang ating pagpapahalaga
mula sa maliit na bagay na ating kinagisnan. Sa loob nito ay hindi lamang
iisang kultura ang iyong masasaksihan kundi marami pang iba. Kung ang ninanais
mo ay magkaroon ng kaalaman sa tribong Meranaw hindi ka magsisising basahin ang
librong ito. Ika nga ng awtor sa kaniyang paunang salita na “Layunin na lalong
ipakilala ang tribong Meranaw sa Pilipinas na may sariling persepsyon at paningin
sa iba’t ibang bagay na naaayon sa sariling paniniwala at kultura. Ibig kong
ipakilala ang aming lahi na isa sa nagpapayaman sa kulturang Filipino”. Sa
kabuuan ng librong ito gumamit ang awtor ng iba’t ibang lengguwahe o wika sa
pagpapadala ng kanilang ninanais na ipahiwatig. Mayroong wikang Meranaw, Ingles
at Arabic ngunit mas madalas ang wikang Tagalog- Filipino. Sa kaniyang
paglalarawan may mga iba’t ibang senaryong maaari nating maikumpara sa tunay na
buhay. Maaaring ito ay sarili mong karanasan. Maaari namang nasaksihan o nakita
mo lamang sa inyong lipunan. Ang mga sumusunod ang aking opinyon sa mga
nakaloob na iba’t ibang kwentong mayroon ang librong ito:
BANGKANG PAPEL,
ang unang kwentong iyong mababsa. Sa kwentong “Bangkang Papel" ating
mapapansin ang paggamit ng lengguwaheng Meranaw at Filipino ng awtor. Dito
inilarawan ang pinakahihintay ng mga bata noon kapag tag- ulan kung saan sila
ay gumagawa ng bangkang papel at ipinapaanod ito sa agos ng tubig sa kanal.
Habang nagsisigawan at nagkakatuwaan. Bawat isa'y gustong manalo ang kani-
kanilang bangkang papel kahit na alam nilang ito'y mababasa at maaaring masira
dahil sa ito nga ay papel. Kung mapapansin natin ang mga ganitong gawain, ay
siyang ating libangan noon. Nakakamiss ang dating ganitong gawain. Tuwing tag-
ulan ay hindi maitatanggi ang galak na nararamdaman ng bawat bata. Walang
makakapigil sa kanilang sobrang saya, mapagalitan man o mapalo kung paglalaro
ang usapan, tila hindi ito nangyari. Kay sarap naman talagang balikan ang mga
ganitong ala-ala habang nagpapa-anod ng bangkang papel sa kanal at pagliligo sa
ulan kasama ang mga kaibigan. Mapagalitan ka pa muna man o mapalo basta ang
mahalaga noon ay nakapaggawa ka ng bangkang papel at nakasali sa munting
paligsahan bago maligo sa ulan. Bilang isang Pilipino mula noon hanggang ngayon
naging kasanayan o kultura na natin itong klaseng gawain sa tuwing tag-ulan.
KASAL. Mula sa pamagat na kasal, ipinapakita
rito ang kultura ng mga Meranaw pagdating sa usapang kasal. Na kahit anong
bilis ng tibok ng iyong puso para sa iyong iniibig at kahit ito pa ay lubos
mong minamahal, mga magulang mo pa rin ang kailangang masunod. Respeto para sa
babae at respeto para sa magulang ay hindi mawawala sa kultura ng mga Meranaw.
Ngunit mas matimbang pa ring ang respeto at pagmamahal para sa magulang.
Gustuhin mo man o hindi ang iyong mapapangasawa kung ito naman ay sinang-
ayunan ng iyong mga magulang wala kang magagawa. Dahil kahit gustuhin mong
umatras at umayaw mananaig pa rin ang kagustuhan at pagmamahal mo sa iyong mga
magulang. Sa lipunan maraming iba’t ibang ibang klaseng tao, maaari kang
mabihag at umibig sa unang kita pa lamang ngunit ang kuris
(kapalaran) ay
laging nakahanda at tapos. Kung kayo man ang para sa isa’t isa sa hinaharap
hindi ninyo kailangang maging magkasintahan. Dahil kung para kayo sa isa’t isa
ay kayo talaga anuman ang mangyari.
KOBOR. Gumawa ng mabuti at umiwas sa
kasamaan habang hindi huli ang lahat. Sa seksyon na ito mababasa ang kultura ng
mga Meranaw tungkol sa kobor o libingan. Lahat ng tao ay hahantong at hantong
din dito walang sinuman ang makakalusot. Sa mga Meranaw ipinapakita rito ang
pangyayari sa iyong kobor, mga tanong na dapat mong sagutin at mga ahas na
handang handa para ikaw ay tuklawin, kainin kapag ikaw ika'y nagkamali. Gumawa
ka man ng kasamaan habang nabubuhay at ika'y nagsinungaling sa harap ng anghel
sa kanyang mga katanungan, hinding hindi ka makakaligtas sa kanyang parusa.
Huwag tayong umasang kayang- kaya nating nlbanggitin ang salitang
“Laillahaillalah" bago mahuli ang lahat. Dahil ang salitang
“Laillahaillalah” ay para lamang sa karapat-dapat. Sa librong ito ipinapakita
rito ang pagbanggit ng “Laillahaillalah” na ang ibig sabihin ay “walang ibang
Diyos kundi ang Allah" sa huling hininga at isa rin itong paniniwala sa
ating mga Meranaw upang hindi ka mahirapan sa kabilang buhay kapag nabanggit mo
ito.
PANINIWALA. Sa
kwentong may pamagat na “Paniniwala" ay nakatuon sa isang lalaking hindi
naniniwalang may Diyos. Wala siyang gustong paniwalaan ngunit kung anu- ano ang
pumapasok sa kaniyang isipan. Minsan ni hindi niya malaman kung ano ang
nangyayarin, at kung sino ba iyong dalawang lalaking kaniyang nakikita. Sa
tingin ko dahil sa kaniyang hindi paniniwalang may Diyos ay maaaring naging
epekto nito ang paghahallucinate niya ng kung anu-ano.
ROOM 21.
Kadalasan nangyayari ang karanasang magkaroon imahinasyong may nagpaparamdaman
na multo. Minsan sa sobrang kapaguran ng isang tao dito nila ito nararanasan.
Hindi natin matukoy kung totoo nga ba ang naramdaman ng bida sa Room 21. Dahil
sa reyalidad hindi ito posibleng mangyari, depende nalang kung ika'y naniniwala
sa mga multo o sa mga ligaw na kaluluwa.
SISA. Para sa
akin ako ay namangha sa paraan ng paglalarawan ng awtor kay Sisa. Kung iyo
itong babasahin napakalalim ng mensahe kahit ito ay maikli lamang. Si Sisa. Si
Sisa na lubos ang pagmamahal sa dalawang anak. Si Sisa na nabaliw. Si Sisa na
laging hinahanap sina Basilio at Crispin. Isang kaawa- awang inang nais
makitang muli ang kanyang mga anak. Sa huling parte masasabi kong si Sisa ay
nasa harap ng salamin at hindi makilala ang sariling nabaliw na sa paghahanap
sa kanyang dalawang anak.
Sa mga kwentong
Ang ating Kasama at Terminal mapapansin natin ang kahiligang mag- imbento ng
mga malilikhaing sulatin ang awtor. Masasabi kong malawak ang kaniyang pag-
unawa at kaalaman sa mga katatakutan. Kaniyang naisisiwalat at nakukwento ng
mahusay ang mga bagay na nais niyang maramdaman at maipadalang mensahe sa mga
mambabasa.
KATA- O, ang
tawag sa kulam ng mga Meranaw. Kung ninanais mong magkaroon ng ideya tungkol sa
paniniwala ng mga Meranaw pagdating sa usaping kulam. Hindi ka magsisising
mabasa ito. Dito nakapaloob kung paano nga ba ang kata- O sa kwento ng mag-
asawa. Maaaring maraming hindi naniniwala sa mga ganitong gawain ngunit sa
librong ito dito momararamdaman ang sakit at hinagpis ng mag- asawang ninanais
na makawala sa kata- O. Dito natin mapagtatantong nasa huli ang pagsisisi.
Iwasan at huwag ng gawin ang ganitong gawain (kata- O). Kahit ano pang
hinanakit mo sa isang tao wag mong hayaang dumating ka sa puntong gamitin ito.
Huwag mong hayaang kainin ka at akitin ka ng mga taong nasa lipunang may
ganitong uri ng gawain o kultura.
LAMBER, kwento
ng isang lalaking nalulong sa droga na nagngangalang Sobair. Na sa sobrang
pagkalulong ay kung anu-anong hallucination o imahinasyon ang kaniyang
nakikita. Maging ang mga pulis ay tila isang ahas ang kanyang nakikita na
nakahanda siyang tuklawin at patayin. Magiging aral ito sa mga taong naligaw ng
landas. Mahusay ang akdang ito sa kanyabg paglalawarawan kung ano ang
nangyayari, nararamdaman at nakikita ng mga taong nalulong sa droga. Dito may
matutunan ang mga taong nalulong sa droga, na huwag nating hayaang lamunin tayo
ng droga at magsisi sa huli. Maraming tao ang nabibigyan ng pagkakataong
magbago ngunit marami rin ang mga taong nais nang magbago ngunit huli na ang
lahat. Masakit at nakakalungkot isipin. Gusto kong maiyak sa akdang ito. Bakit
ba maraming nalulong sa mga ganitong klaseng bisyo? Huwag sanang marami pang
mabiktima ang bisyong ito at iwasan po natin ito.
DORMITORYO.
Nakakalungkot. Miss awtor bakit po ang sakit? Naiiyak na naman ako. Ano nalang
mararamdaman ng pamilya ng babae? Sa kwentong ito mababasa ang mga madalas na
mangyari sa lipunan. Kung saan laganap na ang krimen. Dito naging kwento ang
babaeng narape at nagpakita sa isang estudyante nakatira din sa dormitoryo.
Mula noon hanggang ngayon madalas na ang pgatira ng mga estudyante sa
dormitoryo lalo na kung ikaw ay nakatira sa malayong lugar. Lalo na sa MSU-
Main, karamihan dito ay mga dormitoryo. Sana’y mapuksa na ang mga taong walang
puso kung gumawa ng krimen.
Kung iisa- isahin nating basahin ang kwentong
nakapaloob sa librong ito marami tayonv matutunan tungkol sa kultura ng nga
Meranaw. Mula sa kasiyahan, kalungkutan, kasakiman, at katatakutang mga
paniniwala ay nandito lahat. Sa huling kwento na may pamagat na Salamin,
masasabi kong ito ang naging buod ng iba’t ibang kultura na mayroon tayong mga
Meranaw. Nandito ang pag- aasawa kung saan madalas ang arrange marriage at
tanging magulang lamang ang masusunod, ang pagkakaroon ng bisyo katulad ng
droga na siyang laganap ngayon sa ating bansa, at ang pagkasira ng buhay ng
isang tao sa isang pangarap na hindi nakamit. Pag- ibig, ang siyang madalas
kalaban upang hindi mahulog sa kasamaan. Tayo’y gumising sa katotohanan. Sa
pamamagitan ng kwentong ito kung inilarawan din ang mga taong nalulong sa
droga. Mga hindi kaaya- ayang imahinasyon at hallucination na nararanasan. Sa
pangalawang bahagi, nandito rin ang mga posibleng maranasan, maramdaman at
makita sa Naraka o Impiyerno. Na kahit ikaw na palasambayang o rehiliyoso ay
hindi malabong mahulog dito kung ikaw ay hindi tunay na nanampalataya ng buong
puso. Ang pagsisimba ay para sa ikasuwa- suwat o Allah, walang iba kundi para
saKaniya lamang at walang iba. Mababasa rito ang iba’t ibang kultura-
paniniwala, pananampalataya sa lipunan ng mga Meranaw.
Para sa akin lubos ang aking galak at tuwa
nang mabasa ko ang librong ito. Hindi lang puro mga haka- hakang pangyayari
kundi pawang may katotohanan at madalas mangyari sa ating buhay. Sarili mang
haka- haka at puro guni- guni ng awtor, kapag nabasa mo ito sigurado akong makakarelate
ka. Mula sa pagiging bata, dalaga at hanggang sa pagtanda karamihan sa mga
pangyayari dito ang mga bagay ay iyong naranasan o nasaksihan sa mga taong
nakapaligid sa iyo. Sa pamamagitan ng librong ito hindi ka mag- aalinlangang
basahin ito nang paulit- ulit. Mayroon man tayong iba’t ibang relihiyon,
kultura at paniniwala sa isang lipunan, tayo pa rin ay hindi magkakalayo. Kung
ninanais mong malaman at magkaroon ng ideya tungkol sa ating kultura bilang
isang Meranaw, binabati kita hindi ka nagkamaling piliin ang librong ito.
Meranaw ka man o hindi highly recommended ang librong ito para sayo. Sapagkat
layunin din ng awtor na si Miss Almayrah A. Tiburon ang maipakilala pa lalo ang
paniniwala at kultura ng mga Meranaw ng ating bansang Pilipinas na may sariling
persepsyon at pananaw sa iba’t ibang bagay. Huwag magdalawang isip bilhin at
basahin ito dahil mahusay at makabuluhan ang bawat kwentong nakapaloob sa aklat
na ito.
-CANDIA, JOHARA
B.